Roland Tolentino, a good friend, is now the Dean of MassCom in UP Diliman. This is his acceptance speech:
Taos-pusong pasasalamat sa mga sumuporta—nagnomina, nag-endorso, nagnobena at nag-alay ng itlog kay Santa Clara. Kung wala kayo, wala ako rito. Wala namang makakapaghanda sa trabahong ito, bigla na lamang napa-dive at ngayon ay patuloy na inaaral ito.
Natutunan kong mahalaga ang pirma ng opisina. Walang papeles ang kikilos at mailalabas sa Kolehiyo nang hindi nakakapirma ang Dekano. Natutunan kong mas marami pala akong dapat ngitian at batiin ngayon habang naglalakad sa Kolehiyo. Tila dumarami ang friends ko o nais maging friend. Natutunan kong mainam at napaka-convenient palang may reserve parking, o sariling toilet sa opisina. Napapagaan ang buhay. Pero higit sa lahat, natutunan kong accountable ako sa lahat sa inyo.
Ang ating Kolehiyo ay nasa radar ng kasalukuyang globalisasyon. Lumalawak ang papel ng media, dumarami ang ating estudyante, at mula sa estado, lumalalim ang pagnanais na lalo itong kontrolin. Sa pagpapabuti ng gawain sa pagpapatalas ng skills ng ating estudyante, dapat ring paunlarin ang independiente at liberal na edukasyong magpayabong ng kritikal na pag-iisip.
Napapanahong pagtibayin ang liberal na edukasyong karakter ng ating mga programa—na ang media ay mapagpalaya, at ang ating mga graduate ay ahensya ng pagpapalaya ng kaisipan at pagkilos. Napapanahong palawakin ang ating mga programa—certificate program sa Film, diploma at online masteral programs sa Journalism, rebyu ng Ph.D. Communications program, pag-aalok ng bagong track sa Ph.D. sa Media at Cultures, at pati na isang inter-departmental undergraduate offering sa Multi-media Arts o/at Media Studies.
Para maitaguyod ito, malinaw sa akin ang pagpapayaman ng resources ng Kolehiyo. Una na nga ay ang upgrading ng ating mga klasrum. Ikalawa ay mga suportang struktura ng makabagong auditorium, mas permanenteng canteen, tambayan, mga opisina, at library service; pati na rin ang isang media archives at ground work para sa ikatlo at huling building sa Media Complex na maglalaman ng mas malaking auditorium, library at faculty rooms. Pero higit sa lahat, titiyakin ko rin na lalo pang magkaroon ng faculty, staff at student support para sa resource generation ng Kolehiyo.
May dalawampung taon na nang una akong magturo sa UP Manila. Ito ang unang trabaho na nagtagal ako nang lampas na anim na buwan. Sa unang araw, kahit ilang beses kong inulit-ulit ang script sa aking utak, nakalimutan ko pa rin ipakilala ang aking pangalan sa klase. Binabaha kami sa UP Manila, at may ilang gabi na naglalagi na lamang sa AS Building doon. Ito rin ang panahon ng walong oras na blackouts araw-araw. Kaya para kaming Florence Nightingale ng fakulti na may dala-dalang rechargeable lamps na kulang naman para makapagturo sa madilim na klasrum.
Naranasan ko na ang departmental politics, college at university politics noon at ngayon. Pero inisip ko pa rin na ito ang gusto kong gawin sa buhay ko. Gusto kong magturo, manaliksik, at magsulat. At gusto ko itong gawin sa walang ibang lugar kundi sa UP. May alok rin na magturo sa ibang unibersidad na nangangako ng mas mataas na sweldo, may research funds, may medical plan na isang konsern ng tumatanda sa trabaho, at mas bawas ang iringan sa opisina. Parating may temptasyon, lalo na habang tumitindi ang iringan sa opisina. Bakit ko naman gustong bwisitin ang aking sarili? O bakit gusto kong ipagsiksikan ang aking sarili.
Gusto kong maging guro dahil dito ko iniisip na dito ako magaling. Magandang katambal ng pagtuturo ang pagsusulat. Gusto kong magturo sa UP dahil nandito ang pinakamagaling na estudyante sa ibabaw ng lupa—nag-iisip, maalam at may pakialam. O may tendensiya nito na pwede ngang pagyamanin ng diin sa liberal na edukasyon—to think out of the box, ang mag-isip na lampas sa sarili, ang mag-isip di lamang sa kapwa tao, kundi mag-isip na isinasaalang-alang ang bayan.
Bawat isa sa atin ay kumaharap at humaharap sa predikamentong kinalagayan ko. Sa mga junior faculty at staff, ito ba ang gustong gawin sa mahabang natitirang bahagi ng inyong buhay? Sa senior faculty at staff, ang mumunting discoveries na nagrereafirma sa ating desisyong manatili sa pamantasan nating mahal?
Na kahit pa limitado ang resources at hindi kailanman malalampasan ang mga panibagong demand, na kahit pa may iringan at ligwakang nagaganap, na kahit pa paulit-ulit at tila walang kinahihinatnan ang ating mga gawain, nananatili tayo nandito, araw-araw, hindi dahil wala tayong mapuntahang iba, kundi dahil napipirmi sa atin sa araw-araw ang ating puwang sa unibersidad.
Na bawat isa sa atin na nandito ay nandito dahil may nararamdamang kahalagahan sa ating ginagawa at gawain. At lahat ng gawain at ginagawang ito—pananaliksik, serbisyo, pagtuturo, committee work, administrative work, paglilinis at pagbabantay ng facilidad—ay ginagawa dahil sa ating mga estudyante. Kung wala sila, wala tayong lahat rito.
At ito ang pangunahin kong tagubilin sa aking sarili sa pagtanggap ng bagong gawaing ito. Na ang galing ko ay iniaalay para sa pagpapabuti ng kalagayan, akademikong kagalingan, panlipunang kamulatan ng ating mga estudyante. Ito ang simulain ng ating mga gawain at gagawin sa Kolehiyo. At tulad ng slogan sa nakaraang pagdiriwang ng Sentenaryo ng UP, isinasapuso ko na UP ang galing mo, ialay sa bayan.