Saturday, July 26, 2008

Mykel A's SONA

Ang Bugtong na Ina ng mga Sala
ni Mykel Andrada

Hayan na, hayan na di mo pa makita.
Korner na, korner na, sipa pa, sipa pa!
Baka ko sa Maynila, hanggang dito, dinig ang unga.
Baka ko sa Malakanyang, hanggang Estados Unidos, dinig ang pag-”oo nga!”
Ako ay may kaibigan, kasama ko kahit saan.
Siya ay may kaibigan, pang-suhol dito, pang-suhol diyan.
Ang alaga kong hugis bilog, barya-barya ang laman-loob.
Ang alaga kong bilog ang nunal, milyon-milyon ang nilolooban.
Sa liwanag ay hindi mo makita, sa dilim ay maliwanag sila.
Sa liwanag ay nakapamulsa, sa dilim ay nagbibilang pala.
Palda ni Santa Maria, ang kulay ay iba-iba.
Pera ni Santa Santita, ang kulay ay iba-iba.
Nagsaing si Hudas, kinuha ang tubig, itinapon ang bigas.
“Nagsaing” si Gloria, itinapon ang tubig, itinapon ang bigas.
Bahay ni Tinyente nag-iisa ang poste.
Bahay ni Presidente, mabuway na ang mga poste.
Bibingka ng hari, hindi mo mahati.
Bibingka ng Reyna, iniluluwa.
Ate mo, ate ko, ate ng lahat ng tao.
Ate mo, ate ko, ate ng lahat ng tuso.
Hiyas na puso, kulay ginto, mabango kung amuyin, masarap kung kainin.
Nunal na puso, kulay abo, magaspang kung hawakan, masarap tirisin.
Butong binalot ng bakal, bakal na binalot ng kristal.
May butong maitim pa sa tubig-kanal, may boses na tila nabasag na kristal.
Nagtapis nang nagtapis, nakalitaw ang bulbolis.
Nagsinungaling nang nagsinungaling, nakalitaw ang dalawang higanteng ngipin.
Aling pagkain sa mundo ang nakalabas ang buto?
Sinong presidente sa mundo ang sing-itim ng nunal ang buto?
Heto na si Ingkong, nakaupo sa lusong.
Heto na si Gloria, nakaupo sa pera.
Nakatalikod na ang prinsesa, mukha niya’y nakaharap pa.
Pinalalayas na ang Reyna, mukha niya’y nakangisi pa.
Balat niya’y berde, buto niya’y itim, laman niya’y pula, sino siya?
Balat niya’y kayumanggi, buto niya’y itim, laman niya’y pera, sino siya?
Kung tawagin nila’y santo, hindi naman milagroso.
Kung tawagin nila’y Gloria, wala namang ibinibiyaya.
Bahay ni Mang Pedro, punung-puno ng bato.
Bahay ni Aling Arroyo, punung-puno ng demonyo.
Nanganak ang birhen, itinapon ang lampin.
Nanganak ang Reyna, ipinaampon ang masa.
May langit, may lupa, may tubig, walang isda.
Nakatingala sa langit, nangamkam ng lupa, pinagmahal ang langis, pinagdamot ang bigas.
Bunga na ay namumunga pa.
Mayaman na ay nagnanakaw pa.
Hindi prinsesa, hindi reyna, bakit may korona?
Naging Prinsesa, ngayon ay Reyna, tinatanggalan ng korona!
Isang magandang dalaga, di mabilang ang mata.
Isang hambog na Ina, di mabilang ang sala.

* Ang mga linyang nakahilig o italicized ay mga bugtong na mula sa mga sumusunod na website: http://hubpages.com/hub/Bugtong_Filipino_Riddles_ at http://hubpages.com/hub/Bugtong-Filipino-Riddles-II. Ang mga lingyang hindi nakahilig ay politikal na adaptasyon ko ng mga nakahilig na bugtong.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home

Submit your website to 20 Search Engines - FREE with ineedhits!
Get Free Shots from Snap.com
Since March 2007
Carp Fishing
site statistics
visited 14 states (6.22%)
Create your own visited map of The World or jurisdische veraling duits?